Kaibigan nga ba?
Mga taong kilala ka lang 'pag kailangan ka, o may kailangan sayo? Mga taong hindi mo na malapitan 'pag kailangan mo sila o may kailangan ka? Mga taong magagalit sayo kapag hindi mo nasusunod ang gusto nila kahit mali? O kapag hindi mo tinuturing na kaaway o kagalit mo rin ang mga kaaway at kagalit nila?
Mga katanungan na maliwanag pa sa sikat ng araw ang kasagutan. Pero bakit nakakapagtiis ka? Tanong na naman. Marahil talagang likas na sayo ang ganyan. Matiisin. O baka naman manhid. Martir? O 'di kaya'y tanga????!
Maraming sayang sa buhay mo dahil sa kanila. Sayang ang talino mo. Sayang ang talento mo. Sayang ang oras at efforts mo. Sayang din pati pera mo?! Grabe. Lahat na lang sinayang mo. Pero dun ka masaya diba? Pambihira. Isang malaking kalokohan.
Alam ko nahihirapan ka na. Madaling ikubli pero lingid sa kaalaman mo, halata na. Gusto mo ng kumawala sa kanila, pero 'di mo kaya. Yung saya na nararamdaman mo bilang kaibigan nila, isang malaking kahuwaran lang yan. Hindi mo mahaharangan ng pekeng emosyon ang realidad ng nararamdaman mo. May takot d'yan sa puso mo. Takot kang mawalan ng kaibigan, kahit ang mga kaibigan mo nama'y mga hangal, mga abusado at mga huwad. Takot ka na biguin sila sa mga kagustuhan nila, kahit pa may basbas na Taning ang mga balak nila. Hindi ko tuloy alam kung maaawa ba ako sayo o maiinis na?
Siguro mas pipiliin ko na lang na magalit sayo kaysa maawa. Pero ang galit na yun ay hindi dahil sa kinamumuhian kita bagkus ay dahil isa lang yung paraan ng simpatya ko sayo. Isa-isa ka ng nawalan ng mga tunay na kaibigan baka hindi mo nalalaman. Ay hindi, mukhang alam mo pala... Kasi gusto mong makawala sa mga pekeng yun diba? Ngayon may panahon pa. Piliin mo ang nararapat sayo at hindi yung nararapat sa kanilang mga huwad. May natitira pa sayong oras, huwag mo ng sayangin pa...
FLAK! Payo hindi lang para sayo, kundi para rin sa kanyan at para sa kanilang lahat! Kung masakit ang katotohanan, harapin mo na lang. WAKAS.